Limang sundalo, patay sa operasyong haras ng BHB-Northern Samar

Koresponsal mula sa NPA-Southern Samar (Rodante Urtal Command)

Limang sundalo ang patay habang marami pa ang sugatan matapos matagumpay na i-haras ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command o RUC) ang tatlong kolum ng nag-ooperasyong 43rd IB nitong Nobyembre 6 sa Barangay Cag-amesarog, Lope de Vega, Northern Samar. Matapos ang labanan ay dinala ng mga kasundaluhan ang kanilang mga patay at sugatan lulan ng isang helicopter, habang sinuyod pa ng higit isang daan sa kanilang mga kasama ang erya upang ipursige ang nagwaging yunit ng BHB. Samantala, nagpapakalat naman ng maling impormasyon ang AFP upang maliitin ang tagumpay ng BHB.

Determinado ang BHB sa Eastern Visayas na maglunsad ng mas marami pang mga taktikal na opensiba laban sa kumukulong pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte. Pinapatupad ng BHB ang panawagan ng mamamayan laban sa pagpapahirap at malawakang pagpaslang sa mga magsasaka, pambansang minorya at maralitang bukid at lungsod sa ilalim ng
maka-imperyalista, korap at kamay-na-bakal na paghahari ni Duterte. Hinihimok ng BHB ang mamamayan na mangahas na makibaka, magtagumpay, suportahan ang mga gerilyang opensiba laban sa kinapopootan at despotikong rehimen!